Illustrated by Chanel Mae Dalida
“Natatakot ka ba sa langit?”
Biglang tanong ng batang nakasabay ko sa bus.
Napalingon ako sa kanya.
Sa inosente niyang mukha, hindi maipagkakaila kung saan nanggaling ang hugot sa kanyang tanong, na tila sumasalamin din sa kislap ng kanyang mga mata.
Isang tanong na tila may bigat na higit pa sa kanyang murang edad.
“Bakit mo naman naitanong?” usisa ko.
“Ewan ko po,” sagot niya. “Sabi kasi nila, kapag namatay tayo, pupunta tayo sa langit.”
Natahimik ako.
“Pero kung mabait naman ang Diyos,” dagdag niya, “bakit kailangan nating matakot sa langit?”
“Hindi naman ako takot sa langit, eh.”
“Bakit po?”
“Siguro kasi, wala namang dapat katakutan sa lugar na sinasabing tahanan ng Diyos.”
“Pero bakit po may mga taong takot mamatay?”
Napatingin ako sa kanya.
Hindi ako agad nakasagot.
“Siguro,” sabi ko, “hindi naman talaga sila takot sa langit.”
“Kung gano’n, saan po sila takot?”
“Baka sa mga bagay na kailangan nilang iwan bago sila makarating doon.”
“Takot po ba sila na kapag nawala sila, may mga taong maiiwan?”
“Takot nga ba sila?” saad ko, higit na para sa sarili kaysa sa bata.
Napatingin ako sa bintana ng bus. Sa labas, patuloy ang pag-usad ng mundo—mga taong nagmamadali, mga sasakyang dumaraan, mga buhay na nagpapatuloy. Ngunit sa loob ko, tila may isang tanong na ayaw matapos.
Sandali akong natahimik.
“Pagod na rin kasi ako.”
“Sa ano po?”
“Sa lahat.”
Wala na akong ibang masabi.
May mga pagod na hindi kayang ipaliwanag ng mahabang kuwento. May mga sakit na natututong ngumiti dahil wala nang lakas para ipaliwanag kung saan nanggaling.
“Andami ko nang sinubukan,” mahina kong saad.
“Para saan po?”
Tumingin ako sa kanya.
“Para matapos na.”
Saglit siyang natahimik.
Ngumiti ako sa kanya—isang ngiting pilit, ngunit sapat upang maitago ang bigat na matagal ko nang kinikimkim.
“Bakit po kayo nakangiti?” tanong niya.
“Wala,” sagot ko. “Mas madaling ngumiti kaysa magpaliwanag.”
Tinitigan ko siya.
“Alam mo ba kung ano ang pinakamatapang na kaya mong gawin, kahit bata ka pa?”
“Ano po?”
“Ang humingi ng tulong.”
Tahimik siya.
“Bakit po?”
“Dahil darating ang mga araw na hindi sapat ang tapang para kayanin ang lahat.”
Huminga ako nang malalim.
“At kapag dumating ang araw na iyon, huwag mong ikahiya ang magsabi ng, ‘Tulungan mo ako.’”
“Paano po kung hindi ko kaya?”
“Humingi ka ng tulong.”
“Paano po kung hindi pa rin?”
“Humingi ka ulit.”
Ngumiti siya.
“Promise mo ’yan sa akin.”
Napatingin ako sa kanya.
“Promise po.”
At nginitian ko siya.
Ilang sandali pa, napansin kong malapit na pala ako sa aking destinasyon.
Parang ang bilis ng biyahe kapag may kausap kang hindi mo inaasahang makapag-iiwan ng tanong sa puso mo.
Tumayo ako at inayos ang aking dala.
“Salamat,” sabi ko sa kanya.
“Babalik pa po kayo?”
Napangiti ako.
“Siguro.”
Bumukas ang pinto ng bus.
Bumaba ako.
At sa unang hakbang ko, may kakaibang liwanag na sumalubong sa akin.
“Napakaliwanag naman dito.”
Napatingin ako sa paligid.
Wala na ang ugong ng bus.
Wala na ang mga pasaherong may kanya-kanyang mundo.
Wala na rin ang batang kanina lamang ay katabi ko.
Tanging liwanag at katahimikan ang naroon.
Sa mga oras na iyon.
Habang nakatayo ako sa maingay na paligid.
Doon ko napagtanto —
Ako pala ang batang iyon.
Ako ang batang nagtanong,
“Natatakot ka ba sa langit?”
Ako rin ang batang matagal nang naghihintay na may magsabi sa kanyang hindi niya kailangang kayanin ang lahat nang mag-isa.
Ang batang pagod na.
Ang batang takot.
Ang batang gustong may makinig.
At sa isang iglap, naalala ko ang pangakong binitiwan ko.
“Promise mo ’yan sa akin.”
“Promise po.”
Napayuko ako.
Ngayon ko lamang naunawaan kung bakit tila pamilyar sa akin ang batang iyon.
Hindi pala siya ang nakilala ko sa bus.
Siya pala ang batang matagal ko nang iniwan sa sarili ko.
Ang batang patuloy na kumakatok sa loob ng aking katahimikan, umaasang balang araw ay pakikinggan ko rin siya.
Muli kong narinig ang sarili kong tanong.
“Natatakot ka ba sa langit?”
Ngayon, alam ko na ang sagot.
Hindi ako natatakot sa langit.
Ang kinatatakutan ko pala ay ang mundong iiwan ko.
Ang mga taong maiiwan.
Ang mga taong maaaring naghihintay pa rin sa aking pagbabalik.
At marahil, sa lahat ng pagkakataong hiniling kong makarating sa liwanag, ang tunay na kailangan ko pala ay may isang taong magsabi sa akin:
“Hindi mo kailangang pumunta roon para matapos ang sakit.
Manatili ka.
Humingi ka ng tulong.
Sapagkat baka ang pinakamatapang na paraan upang makarating sa liwanag ay hindi ang pagpunta roon —
kundi ang pagpiling manatili.”

Leave a Reply